Hinimok ngayon ng grupong Arangkada National Alliance o ANA ang administrasyon na lumikha ng batas para protektahan ang motorcycle riders sa bansa.
Ginawa ng grupo ang panawagan kasabay ng inilunsad nilang unity ride na naglalayong ipaabot sa kaalaman ng karamihan na hindi dapat katakutan ang mga nagmomotorsiklo dahil hindi sila mga kriminal.
Ayon kay Rod Cruz, presidente ng grupong ANA, handang makipagtulungan ang kanilang grupo sa mga otoridad para magbantay sa lansangan laban sa mga tunay na kriminal na gumagamit ng motorisiklo.
Paliwanag ng grupo, nasisira ang kanilang imahe dahil sa mga lumalabas na balita sa mga pahayagan na karamihan sa mga sangkot sa krimen ay pawang mga sakay ng motorsiklo.
Bunsod nito, naniniwala ang naturang motorcycle riders group na malaking tulong sa kanila kung makakapag-pasa ng batas na magbibigay-daan upang maibalik ang tiwala sa kanila ng mga Pilipino.