Nakasalalay na sa Kongreso ang walong daang pisong (P800) pambansang minimum wage na itinutulak ng labor groups.
Gayunman, bukas ang Department of Labor and Employment o DOLE na irekomenda sa Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan itong urgent, depende sa kalalabasan ng kanilang pag-aaral.
Aminado si Labor Secretary Silvestre Bello III na talagang apektado na ang mga manggagawa sa pagtaas ng presyo ng bilihin, petrolyo at elektrisidad.
Ito aniya ang dahilan kaya’t inatasan niya ang Regional Wage Boards na magpulong na kahit hindi pa lumalampas ang isang taon mula nang magkaroon ng umento sa minimum wage.
“Kino-consider ang lahat ng factors kung kami ay magre-recommend sa ating Pangulo na mag-certify sa Kongreso na magtaas na ng minimum wage o kaya ay i-require namin ‘yung ating mga regional tripartite wage boards na magsumite na ng medyo realistic na wage adjustment.”
Sa ngayon, sinabi ni Bello na pinag-aaralan na nila ang pagbibigay ng subsidy sa mga manggagawa habang inaantay ang umento sa kanilang sahod.
“Mga early this year sinabi ko na may mga programa tayo ng DSWD kako ‘yung conditional cash transfer, baka naman to address difficulties ng ating mga manggagawa kako baka puwedeng magbigay tayo ng cash subsidy na P500, ang sabi niya maba-bankrupt tayo niyan, sabing ganun, siguro pag-aralang mabuti baka pupuwedeng mas mababa P100 or P200, pero pag-aaralan po natin ‘yan.” Pahayag ni Bello
—-