Mahihirapan ang pamahalaan na pondohan ang lahat ng mga programang ipatutupad ng administrasyon kapag sinuspinde ang TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion law.
Iyan ang pag-amin ni Finance spokesperson Assistant Secretary Paola Alvarez makaraang magpahayag sila ng pagtutol sa mga panawagan na suspindehin ang pagpapatupad ng nasabing batas.
Hindi naman po lahat ng reporma ay madali nating makukuha. So kailangan din nating balansehin. Nagbibigay naman po tayo ng tulong lalong lalo na ‘yung unconditional cash transfers doon po sa pinakamahihirap na household. So sa tingin po natin ay ito ay nakakatulong at sapat na po. Pahayag ni DOF Asec. Paula Alvarez
Sa panig naman ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinauubaya na nila sa mga mambabatas ang pagbalangkas ng batas para suspindehin ang TRAIN law.
Alam niyo po tagapagpatupad lang ng batas ang presidente. Ang Kongreso ay may ganyang kapangyarihan, so ang gagawin ng presidente ay kung ano ang nakasaad sa batas. Paliwanag ni Roque
Senate President Tito Sotto, may hiling kay Finance Sec. Sonny Dominguez
Hiniling ni Senate President Tito Sotto kay Secretary Sonny Dominguez na magbigay ng briefing ang mga economic managers ng Palasyo sa mga senador partikular sa miyembro ng Senate Committee on Ways and Means at Committee on Finance.
Kaugnay ito ng epekto ng umiiral na TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law sa patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo na nagbubunga naman ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Sotto, magandang magbigyan ng briefing ang mga senador para kanilang mapulsuhan ang mga dapat gawing hakbang lalu’t ilan na ang nagsusulong ng suspensyon ng probisyon sa TRAIN law na nagpapataw ng excise tax sa langis.
Dagdag pa ni Sotto, hindi rin maaaring kumilos ang senado hinggil sa pagpapasa ng panukalang batas para sa suspensyon ng nasabing probisyon sa TRAIN law hangga’t wala pang naipapasa sa House of Representatives.