Malabo ang hinihiling ng Makabayan Bloc na national minimum wage sa mga manggagawa na nagkakahalaga ng 750 piso.
Iyan ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III kasunod na rin ng pagtutol ng mga employers sa harap ng patuloy na pagtataas ng inflation rate sa bansa.
Ayon kay Bello, posibleng hindi makabuti para sa mga employer at manggagawa ang hirit ng Makabayan Bloc sa Kamara lalo’t may iba’t ibang pangangailangan sa bawat rehiyon.
Gayunman, kinumpirma ni Bello na posibleng magpatupad ng umento sa sahod ang mga manggagawa sa buong bansa ngayong buwan.
Bagama’t hindi pa tinukoy ni Bello kung magkano ang magiging umento sa sahod, asahan na aniya ito lalo’t may basbas na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maibsan ang nararanasang bigat dahil sa epekto naman ng ipinatutupad na tax reform measures.
—-