Inapela na ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kanyang pagkakasibak sa Korte Suprema.
Kahapon, naghain ang kampo ni Sereno ng motion for reconsideration sa Korte Suprema upang iapela ang pagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng quo warranto case.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, abogado ni Sereno, malinaw na nilabag ang karapatan ni Sereno sa due process dahil mas kinatigan ng korte ang petisyong inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Iginiit pa ng kampo ni Sereno na walang awtoridad ang SC sa pagpapatalsik sa kanya sa puwesto dahil itinatalaga sa konstitusyon na maaari lamang paalisin sa puwesto ang Chief Justice sa pamamagitan ng impeachment process.
Matatandaang napatalsik si Sereno sa puwesto matapos na paburan ng mga mayorya ng mahistrado ang quo warranto case dahil sa isyu ng hindi nito paghahain ng Statement of Assets Liabilities and Net Worth o SALN.
—-