Inabandona na ng House Committee On Ways and Means ang target approval date para sa Tax Reform measure na itinakda ngayong linggo.
Ito’y matapos ibasura ng Malacañang ang Tax Incentives Management Act na layong ibaba ang individual at corporate income-tax rates.
Ayon kay Committee Chairman at Marikina City Representative Miro Quimbo, hindi sila maaaring magpasa ng panukalang batas na alam naman nilang ibabasura lang ng Palasyo.
Mahalaga anya ang kooperasyon ng ehekutibo partikular ang Department of Finance upang ipasa ang bill na para sana sa mga fixed-income earner.
Tuloy pa rin
Nilinaw na tuloy pa rin ang pag-apruba ng Kamara sa Income Tax Reform Bill na layong makatulong sa mga fixed-income earner sa kabila ng pagtutol ng Malacañang.
Ayon kay House Speaker Sonny Belmonte, batid naman ng mga author ng Tax Incentives Management Act ang magiging epekto sa ekonomiya sakaling tapyasan ang income tax rate.
Wala naman anya silang babaguhin bagkus ay nais lamang ng Kongreso na makabawi ang mga ordinaryong manggagawa sa mga ikinakaltas sa kanilang buwis.
Iginiit ni Belmonte na inflation ang tunay na problema kaya’t lumiliit ang income at revenues.
Sa panig naman ng Senado na may kahalintulad na panukala, hinimok ni Senator Sonny Angara si Pangulong Noynoy Aquino at Finance team nito na manindigan para sa kapakanan ng mga fixed-income worker na may malaking ambag sa ekonomiya.
Tiniyak naman ni Angara, Chairman ng Senate Ways and Means Committee na makikipag-ugnayan ang mataas na kapulungan ng Kongreso sa Kamara partikular kay House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Representative Miro Quimbo upang magkaroon ng mas epektibong tax reduction scheme.
By Drew Nacino