Nakabase sa rekomendasyon ng Oversight Committee ng Philippine National Police (PNP) ang naging balasahan sa matataas na opisyal ng PNP.
Ito ang nilinaw ni outgoing PNP Spokesman at incoming PRO-6 Director Chief Superintendent John Bulalacao kasabay ng pagsasabi na hindi personal na pinili ni PNP Chief Oscar Albayalde ang mga bagong ipinuwestong opisyal.
Paliwanag ni Bulalacao, ang PNP Oversight Committee aniya ang tumitingin at nagsusuri ng mga kuwalipikasyon ng mga opisyal at nagtatalaga kung saan sila dapat na ilagay.
Ang pinakadahilan aniya ng ‘major revamp’ ay ang pagreretiro ng 3 police director generals, 3 police directors, at ang regular reshuffle ng mga regional directors na tumagal na ng 2 taon sa puwesto.
Dating NCRPO Chief pinasalamatan ang kanyang mga tauhan
Samantala, pinasalamatan ni Director Camilo Cascolan ang kanyang mga naging tauhan sa anim na linggo niyang panunungkulan bilang hepe ng National Capital Regional Police Office o NCRPO.
Ayon kay Cascolan, nais niyang bigyang pagkilala ang puwersa ng NCRPO para sa maayos nilang pagtatrabaho.
Ipinagmalaki nitong mahusay at aktibo sa serbisyo ang mga bumubuo sa NCRPO, mula sa pinakamataas na opisyal hanggang sa pinakamababang ranggo.
Si Cascolan ay pinalitan sa puwesto ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar at inilipat sa PNP Civil Security Group sa Kampo Krame.
Hindi naman malinaw kay Cascolan kung bakit mabilis siyang inalis ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde bilang hepe ng NCRPO bagamat ginagalang niya ang naging desisyon nito.
—-