Hihilingin ni Ozamiz City Police Chief Jovie Espenido kay PNP Chief Oscar Albayalde na siya ang humawak sa kaso ng most wanted person na si Ozamiz City Councilor Ricardo Ardot Parojinog.
Sinabi ni Espenido na nais niyang kumpirmahin mismo kay Ardot ang mga impormasyong isiniwalat ng mga tauhan nito na una na nilang nadakip sa mga operasyon.
Ayon kay Espenido, maraming police officials ang tiyak na makakasuhan matapos maging protektor ng mga Parojinog base na rin sa hawak nilang listahan kung saan nakasaad din ang patunay na mayroong mobile laboratory ng shabu sa Ozamiz City.
Sakaling tanggihan ni Albayalde ang kaniyang hiling, ipinabatid ni Espenido na uuwi na lamang siya ng Leyte dahil nangangahulugan itong tapos na ang kaniyang misyon sa Ozamiz City matapos mapatay sa operasyon sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Aldong Parojinog at iba pang tauhan nito at maaresto si Vice Mayor Nova Princess Parojinog.
(With report from Jonathan Andal)