Pinagsasaksak sa labas ng isang club sa Bonifacio Global City sa Taguig ang PBA player na si Jeron Teng at dalawang iba pang kasama nito na sina Norbert Torres at Thomas Torres kaninang alas dos y media ng madaling araw.
Ayon sa police report, kasamang naglalakad ni Jeron sa labas ng club sina Thomas at Norbert nang makuha nila ang atensyon ng mga suspek na nagresulta sa mainit na argumento at kaguluhan.
Dinala ang mga biktima sa St. Lukes Medical Hospital sa Taguig.
Samantala, naaresto naman agad ang mga suspek na kinilalang sina Edmar Manalo, 40 years old, Filipino-American; Joseph Varona ng Parañaque City; at Willard Basili ng Muntinlupa City.
Kagagaling lamang noon ni Jeron sa PBA Commissioner’s Cup Game kung saan napataob ng kanyang koponang Alaska Aces ang Global Port sa score na 109-103.