Binuksan na ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pagpo-proseso sa mga aplikasyon ng mga nais na magtrabaho bilang domestic helper sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.
Kasunod ito ng mga inilabas na alituntunin ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA para sa mga recruitment agency kaugnay sa pangangalaga ng mga karapatan ng mga Filipino workers na nais mamasukan sa Kuwait.
Nakasaad sa ilalim ng Memorandum Circular ng POEA na malayang makapagsumbong ang mga OFW sa mga ahensya ng Kuwait at Pilipinas kapag may nangyayaring pang-aabuso.
Kailangan ding payagan ng employer ang mga kasambahay na magkaroon ng cellphone o anumang communication device para makausap ang kanilang mga kaanak at ang awtoridad.
Hindi rin dapat hawakan ng mga employer ang passport ng mga domestic worker.
Gayunman, hindi mabatid ng POEA kung ano ang magiging parusa sa mga employer na hindi tutupad sa nasabing kasunduan dahil mayroong naaayon na batas sa Kuwait para rito.
—-