Hiniling sa Korte Suprema ni Atty. Elly Pamatong na minsan na ring binansagang “spike king” na ideklarang “null and void” ang pagkakahalal kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Sa limang pahinang quo warranto petition ni Pamatong iginiit nito na dapat ideklara ng Supreme Court na null and void ang posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo at mga presidential appointee.
Iligal aniya ang certificate of candidacy o COC ni Duterte dahil mismong ang Pangulo na ang umamin noon na ang pagtakbo nito sa pagka-presidente ay walang aprubadong COC.
Ayon kay Pamatong, batay sa record ng COMELEC, bago pa ang May 9, 2016 elections, umatras si Duterte sa kanyang kandidatura bilang Mayor ng Davao na sinundan ng paghahain nito ng COC sa pagka-pangulo.
Naniniwala si Pamatong na hindi pa naglalabas ng pinal na desisyon ang COMELEC sa COC ni Duterte nang kumandidato itong Pangulo.
Sa ilalim ng rules of court, ang maaari lamang maghain ng quo warranto petition ay ang Solicitor General, mga public prosecutor at sinumang indibiduwal na napagkaitan ng kanyang posisyon sa gobyerno matapos itong okupahan ng iba.
—-