Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Domeng.
Ayon sa PAGASA, lumakas pa ang bagyo habang tinutumbok ang katimugan ng Japan.
Nagtataglay na ito ngayon ng lakas na aabot sa 120 kilometer per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 145 kilometer per hour na kumikilos sa bilis na 37 kilometer per hour. Huli itong namataan 1,045 kilometro sa silangan, hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Bagamat nasa labas na ng PAR si Domeng, uulanin pa rin ang Luzon ngayong linggo dahil sa habagat.
Nananatili pa ring delikado ang maglayag sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon, seaboards ng Central Luzon at western at southern seaboards ng Southern Luzon.
Samantala, batay sa 11 am advisory ng PAGASA, ibinaba sa orange rainfall warning ang lalawigan ng Cavite mula sa red rainfall warning kaninang umaga. Ibig sabihin nito, asahan ang matinding pag-ulan sa lugar at nagbabadya ang mapanganib na pagbaha.
Yellow rainfall warning naman ang nakataas sa Zambales, Bataan, Rizal, Batangas at Laguna.
Ibig sabihin nito, asahan ang pagulan sa mga naturang probinsya at posible ang pagbaha sa mga mababang lugar doon
Ayon pa sa PAGASA, makakaranas ng mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan ang Metro Manila, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga at Northern Quezon hanggang mamayang alas dos ng hapon.
NDRRMC, nakapagtala na ng isang nawawala dahil sa bagyong Domeng
Nakapagtala na ang NDRRMC ng isang nawawala dahil sa bagyong Domeng.
Kinilala ito na si Algemon Dalisam Nuñez, bente siyete anyos, empleyado ng isang resort sa El Nido, Palawan. Ayon sa NDRRMC, dahil sa malakas na alon nahulog sa dagat si Nuñez habang sakay ng jetski noon pang Huwebes. Hindi pa ito nahahanap hanggang sa ngayon.
Samantala, nakapagtala rin ang ahensya ng walong insidente dahil sa bagyo.
Kinabibilangan ito ng gumuhong riprap, nalubog na tulay, nabuwal na puno, umapaw na spillway at sumadsad na eroplano.
Wala namang nasawi sa mga nasabing insidente.