Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas ngayong araw.
Ito ay bagama’t nakalabas na ng PAR o Philippine Area of Responsibility ang bagyong Domeng na patuloy pa ring hahatakin ang hanging habagat.
Kasabay nito, pinag-iingat naman ng PAGASA ang publiko sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa bunsod ng inaasahang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman na may kasamang mahihinang paguulan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Visayas at buong Mindanao.
Samantala, pinapayuhan naman ang mga maliliit na sasakyang pandagat na iwasan muna ang maglayag sa karagatang sakop ng Central Luzon, Northern at Eastern Section ng Hilagang Luzon at Western at Southern Section ng Luzon dahil sa nakataas na gale warning.
Cancelled classes
Nagkansela na ng klase ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila at iba pang lalawigan dahil sa inaasahang malalakas na pag-uulan dala ng habagat.
Kabilang sa nagdeklara ng kanselasyon ng pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan ang mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan at Valenzuela.
Habang suspendido naman ang klase mula kindergarten hanggang senior high school sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Taguig City.
Samantala, wala na ring pasok sa lahat ng antas ang lalawigan ng Bataan, Batangas, Cavite gayundin sa bayan ng Meycuayan sa Bulacan, Subic Zambales at Olongapo City Pampanga.
Kanselado na rin ang klase mula kindergarten hanggang senior high school sa lalawigan ng Abra.
Una na rin inanunsyong walang pasok sa lahat ng antas sa Rizal dahil sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.
—-