Kinondena ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP ang nangyaring pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, ang paring tinambangan habang naghahanda sa kaniyang misa sa isang kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecija noong Linggo.
Ayon kay CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles, kinukondena nila ang anumang uri ng karahasan lalo na ang pagpatay hindi lamang sa mga pari kung hindi sa lahat ng tao.
Nanawagan din si Archbishop Valles sa publiko na ipanalangin ang naulilang pamilya ni Fr. Nilo ng Diocese of Cabanatuan at sa lahat ng mga pari na napaslang sa ilalim ng taon ng mga pari.
Umapela naman ng katarungan ang Diocese of Cabanatuan sa pagkamatay ni Fr. Nilo na isa sa mga pinakamasipag nilang pari
Kasunod nito, bumuo na ng Task Force ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang insidente subalit iginiit nito na isolated lamang ang pagpatay kay Fr. Nilo.
Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi nila tutulugan ang nangyaring pagpatay na ito kay Fr. Nilo at tiniyak na mapapanagot ang mga nasa likod nito.
—-