Gumawa ng kasaysayan sina Donald Trump at Kim Jong Un bilang unang mga nakaupong Presidente ng Amerika at North Korea na nagpulong at nagdaupang-palad.
Ito’y sa kagustuhang tuldukan na ang tensyon sa deka-dekada nang ‘nuclear standoff’ sa Korean Peninsula.
Nag-kamay ang dalawang lider sa isinagawang summit sa Singapore ngayong araw bago ang halos isang oras na pulong kung saan nilagdaan ang ilang mga kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa, isa na rito ang denuclearization program.
Pero bago pa man ang makasaysayang araw na ito, balikan natin ang mga kaganapan bago nagkita ang dalawang lider.
Nobyembre 2016: Ilang araw lamang matapos ang sorpresang pagkakapanalo sa eleksyon ay agad na binalaan ng administrasyon ni Barack Obama si Trump na ang North Korea ang magiging ‘top national security concern’ sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Enero 2017: Ipinagmalaki ni Kim na nasa ‘last stage’ na sila ng preparasyon para sa kanilang inter-continental ballistic missile test na aniya’y malaking banta sa Amerika, sagot ni Trump, “Hindi ‘yan mangyayari.”
February 2017: Kapwa mariing kinondena nina Trump at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang ginawang pagpapakawala ng intermediate-range ballistic missile ng North Korea malapit sa Japan.
March 2017: Muling nagpakawala ang North Korea ng apat na ballistic missiles at tatlo sa mga ito ay bumagsak sa teritoryo ng Japan. Dahil sa mga kaganapan, tuluyan nang ibinasura ng Trump administration ang ‘strategic patience’ policy na una nang ipinatupad ng Obama administration.
April 6, 2017: Sa unang pagkikita nina Trump at Chinese President Xi Jinping ay tinalakay nila ang posibleng kooperasyon sa North Korea.
April 14, 2017: Inanunsyo ng administrasyon ni Trump ang pagkakaroon ng “maximum pressure and engagement” policy at makalipas ang isang araw ay ibinida naman ni Kim ang mga bagong missiles ng North Korea at nagbabala ng giyera sakaling sila’y atakehin.
July 4, 2017: Muling nagpakawala ng rocket missile ang North Korea at sa panahong ito, mas malakas kung saan lumalabas na may kapabilidad na umabot ito ng Alaska o Hawaii.
Tinawag ito ng Amerika na panibagong paghahamon ng NoKor.
July 6, 2017: Nagpahayag ang bagong halal na South Korean President Moon Jae In ng kagustuhang tahakin ag daan tungo sa kapayapaan at itinakda ang taong 2020 na target date para sa hangaring nuclear-free Korea.
July 29, 2017: Muling ipinagmalaki ni Kim na kaya niyang targetin ang buong kontinente ng Amerika matapos ang naging ‘test fire’ sa ikalawang inter-continental ballistic missiles ng NoKor.
August 8, 2017: Binalaan ni Trump ang North Korea na lalasapin ang ‘apoy at galit’ ng Amerika kung hindi titigil sa patuloy na pagbabanta.
September 3, 2017: Isinagawa ng NoKor ang ika-anim nito at tinaguriang ‘most powerful’ hydrogen bomb test.
September 19, 2017: Ininsulto ni Trump si Kim at tinawag itong ‘Rocket Man’ sa isang talumpati sa United Nations. Dito sinabi rin ni Trump na handa ang Amerika na tuluyang sirain ang North Korea. Bumuwelta si Kim at tinawag na “mentally deranged US dotard” si Trump.
November 29, 2017: Idineklara ni Kim na nakumpleto na ang kanyang weapons program.
January 1, 2018: Ipinahiwatig ni Kim sa kanyang New Year’s speech ang kahandaang makibahagi sa Winter Olympics na gaganapin sa South Korea.
Dahil dito agad na nagpatupad ng serye ng pag-uusap si SoKor President Moon Jae In kaugnay sa pagdating ng mga delegado mula sa NoKor.
February 9, 2018: Dumalo ang kapatid ni Kim Jong Un na si Kim Yo Jong sa pagbubukas ng Winter Olympics sa South Korea. Dito inimbitahan ni Yo Jong si Moon na personal na makipagpulong sa kanyang kapatid.
March 8, 2018: Ginulat ni Trump ang mundo nang ianunsyong pabor at bukas siyang makipagkita kay Kim.
March 31, 2018: Bumisita ang noo’y incoming Secretary of State Mike Pompeo sa Pyongyang at personal na nakipagkita kay Kim, dito tinalakay ang mga preparasyon para sa isasagawang summit sa Singapore.
Si Pompeo ang unang highest ranking US official na bumisita sa North Korea magmula noong 2000.
April 21, 2018: Inanunsyo ng North Korea na nag-desisyon si Kim na itigil ang mga weapons test at mag-focus na lang sa mga isyu ukol sa ekonomiya. Ikinatuwa naman ito ng Amerika at tinawag na ‘big progress’ ang desisyon ni Kim.
April 27, 2018: Naganap ang makasaysayang pagkikita nina North Korean Leader Kim Jong Un at South Korean President Moon Jae In sa militarized border ng Korean Peninsula.
Dito nagkasundo ang dalawang lider na tapusin ang pitong dekadang Korean war at ipagpatuloy ang programang denuclearization.
May 10, 2018: Inanunsyo ni Trump na nakatakda siyang makipagkita kay Kim sa Hunyo 12 sa Singapore.
May 24, 2018: Kinansela ni Trump ang pulong dahil sa umano’y nakakagalit na mga pahayag ng Pyongyang ngunit agad din namang inirekonsidera ang desisyon matapos ang maayos na diplomasya.
June 1, 2018: Kinumpirma ni Trump na tuloy na ang pulong matapos na bumisita sa White House ang Presidential aide ni Kim Jong Un na si Kim Yong Chol kung saan inamin nitong hindi agad-agad na maisusuko ng tuluyan ng North Korea ang kanilang nuclear weapons.
June 9, 2018: Inihayag ni Trump na ang Singapore summit ay ‘one time shot’ para kay Kim na tulungan ang kanyang bansa.
Sinabi pa ni Trump na malalaman niya kung seryoso si Kim sa unang isang minuto ng kanilang pag-uusap.—AR
____