Nais paimbestigahan ni Senador Antonio Trillanes sa Senado ang nangyaring paglapag ng isang military plane ng China sa Davao City International Airport.
Ayon kay Trillanes, hindi tama at kaduda-duda ang paglapag ng military plane ng China sa Pilipinas lalo’t sa dami aniya ng mga paliparan sa bansa napili nitong magpa-gasolina sa Davao City na hometown ng Pangulo.
Dagdag pa ni Trillanes, batay sa kaniyang nakuhang impormasyon hindi ito ang unang pagkakataon na may lumapag na eroplano ng China sa Davao City.
Tinawag ding kasinungalingan ni Trillanes ang paliwanag ng pamahalaan na nag-refuel lamang ang nasabing military plane gayung isa itong cargo aircraft at posible aniyang nagdiskarga ng anumang kargamento.
Kasabay nito, umaasa si Trillanes na mabibigyan ng pagkakataon ng Senado na imbestigahan ang insidente dahil usapin na aniya ito ng pambansang seguridad at interes.
—-