Walang koneksyon sa isa’t isa ang tatlong kaso ng pagpatay sa mga pari sa nagdaang anim na buwan.
Ito, ayon kay Senior Superintendent Benigno Durana, Spokesman ng Philippine National Police o PNP ay napatunayan na sa imbestigasyon.
Sa ngayon anya ay mayroon nang sinusundang lead ang mga imbestigador upang alamin ang motibo sa pagpatay.
“Hindi robbery, hindi economic ‘yung motive ng pagpaslang sa dalawang pari but we are keeping this information in mind pero sa ngayon po base sa imbestigasyon ay may ibang motibo kung bakit sila pinaslang, related siguro sa mga trabaho nila, sa kanilang mga adbokasiya, siguro may mga sektor na nasagasaan.” Ani Durana
Tiniyak ni Durana na prayoridad ngayon ng PNP na maresolba ang pagpatay sa mga pari.
“Sabi niya (General Albayalde) to solve the case including that of Father Paez diyan rin sa Nueva Ecija as soon as possible, sinabi niya there should be no rest until we put these mindless criminals behind bars.” Pahayag ni Durana
CHR
Samantala, kumikilos na ang Commission on Human Rights o CHR para imbestigahan ang serye ng pagpatay sa mga pari.
Ayon kay Jackie de Guia, Spokesperson ng CHR, nakakaalarma ang mga pagpatay sa mga alagad ng simbahan.
Bagamat masyadong maaga pa anya para sabihing mayroong pattern ang pagpatay, nais nilang mabusisi kung nagiging target ng pagpatay ang mga pari dahil sa kanilang pananampalataya.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, binaril at napatay sa Jaen Nueva Ecija si Father Marcelito Paez, sinundan ito Father Mark Ventura sa Gattaran Cagayan at kamakailan si Father Richmond Nilo sa Zaragosa Nueva Ecija.
“Tinitingnan natin kung batay sa kanilang propesyon o pananampalataya ay nagiging target sila ng killings, ang tinitingnan natin dito ay ang responsibilidad ng estado na siguraduhing magkakaroon ng isang maayos na imbestigasyon.” Pahayag ni De Guia
(Ratsada Balita Interview)