Posibleng umabot din sa Pilipinas at sa iba pang Asian countries ang positibong epekto ng pagkakasundo ng Amerika at North Korea.
Kasunod ito ng makasaysayang pag-uusap nina US President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong Un sa Singapore.
Ayon political analyst Professor Ramon Casiple, maaring maramdaman ang momentum ng pagbibigay tiyansa sa kapayapaan maging sa usapin sa South China Sea.
“’Yung China ay mas nasa posisyon ngayon na kung magbukas din siya, at bukas naman siya dahil hindi naman sila nag-aaway ng Amerika, eh maraming mga isyu sa Asya eh, isa na rito itong sa South China Sea.” Ani Casiple
Hindi naman malabong magkita ang North Korean leader at si Pangulong Rodrigo Duterte dahil matatag na trade partners ang Pilipinas at NoKor.
“Number 3 tayo na trade partner ng North Korea at mula pa noon kahit nagkakagulo na ay bukas tayo sa North Korea at sa South Korea, wala tayong pinapanigan in terms of diplomacy.” Dagdag ni Casiple.
Samantala, inaabangan na ang mga susunod pang magiging pag-uusap ng Amerika at North Korea kasunod ng paghaharap nina Trump at Kim.
Ayon din kay casiple, maituturing na framework pa lamang ang nilagdaang kasunduan ng dalawa at posibleng mas marami pang usapin ang mapagkasunduan ng dalawang bansa mga susunod na araw.
Maganda aniyang senyales ang naging inisyal na pag-uusap ng dalawa dahil napataas nito ang paniniwalaang kaya pang makamit ng kapayapaan sa mundo.
“Kaya kanya-kanyang espekulasyon ‘yan, alam mo naman ang mga skeptical diyan sa Amerika gusto nilang makita agad ang resulta, ito namang sa North Korea eh mukhang bukas given ‘yung mga kinomit nila, ‘yung complete denuclearization, although ang sabi ng mga critic bakit wala ang word na verifiable, may mga susunod pang negosasyon ‘yung phasing out, pero ‘yung intention andun.” Pahayag ni Casiple
(Balitang Todong Lakas Interview)