Personal nang dumulog kay Pangulong Rodrigo Duterte si Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim upang ipaki-usap sa Chinese Coast Guard na tigilan na ang ginagawang pangongotong nito sa kanilang mga mangingisda sa Scarborough o Panatag shoal.
Ayon kay Lim, umaaray na ang mga mangingisda sa kanilang bayan dahil sa kakaunti na lamang ang nai-uuwing isda ng mga ito bunsod ng ginagawang pangongotong ng mga Tsinong nakapalibot sa bahura.
Nanindigan si Lim na saklaw ng Pilipinas ang Panatag o kilala rin bilang Bajo de Masinloc kaya’t hindi na aniya dapat ipagpa-alam pa sa Tsina sa pangingisda ng mga Pilipino sa naturang karagatan.
Maliban sa pangongotong at panlilimas ng huli ng mga mangingisda, naniningil din umano ng toll ang Chinese Coast Guard at Navy sa mga mangingisdang pumapalaot sa Panatag, dahilan upang lalong madiin sa hirap ang mga Pilipino.