Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi aangkinin ng gobyerno ang itinatagong langis sa Liguasan Marsh sa Mindanao dahil pag-aari aniya ito ng mga kapatid na Moro.
Ayon kay Pangulong Duterte, sinisiguro niya na ang Moro people ang unang makikinabang sakaling mapatunayang mayroon ngang itinatagong trilyong pisong halaga ng langis sa Liguasan.
Ito aniya ang kanyang pangako at commitment sa mga taga-Mindanao.
Taong 2008 nang banggitin ni Moro National Liberation Front o MNLF Chief Nur Misuari na uunlad ang ekonomiya ng bansa sa tulong ng oil reserves sa Liguasan Marsh.
Sinabi pa nito na may malaking reservoir ng natural gas sa Marsh na nagkakahalaga ng daan-daang bilyong dolyar na maaring magpayaman sa Bangsamoro people na mangangasiwa sa Liguasan.
Dagdag ni Pangulong Duterte, pakikinabangan ng bawat pilipino ang economic benefits ng oil reserves sa Marsh dahil tiyak aniyang ito ang magiging sentro ng komersyo ng mga kristyano, muslim at mga lumad.