Sumakabilang buhay na si retired Police General at dating Traffic Czar Romeo Maganto sa edad na 70.
Ayon sa Municipal Information Office ng Bustos sa Bulacan, Sabado pa pumanaw si Maganto sanhi ng hindi na tinukoy na karamdaman.
Inilagak ang labi ng yumaong dating Heneral sa kanilang tahanan sa Barangay San Pedro subalit nakatakda itong ilipat ngayong araw sa Maynila.
Inaasahang magbabalik bansa naman ngayong araw ang anak ni Maganto na si Rommel mula sa Estados Unidos bago ito ilibing sa Linggo, Hunyo 24.
Magugunitang nakilala si Maganto dahil sa bagsik nito sa pagsugpo sa krimen nang pamunuan nito ang Western Police District nuong dekada 80.
Itinalaga rin siya ni dating Pangulong Fidel Ramos bilang traffic czar nuong dekada 90 at siyang nanguna sa pagpapatupad ng odd even scheme.
Naitampok pa ang buhay ni Maganto nuong dekada 90 sa pelikulang Leon ng Maynila na pinagbidahan pa ng ngayo’y dating Senador Ramon Bong Revilla Jr.