Tiniyak ng Department of Foreign Affairs o DFA na walang mga Pilipino ang nadamay sa pagtama ng magnitude 6.1 na lindol sa Osaka Japan.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, sa pamamagitan ng Philippine Consulate General, kanilang pinayuhan ang mga Pinoy sa Osaka, Hyogo, Nyara at Shiga na manatiling nakaalerto at mag-ingat sa posibilidad ng mga aftershocks.
Pinayuhan din ang Filipino community sa Japan na patuloy na mag-monitor sa sitwasyon at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.
Samantala, nag-paabot din ng pakikidalamhati ang DFA sa mga nasawi at naapektuhan ng nasabing lindol sa Japan.
Una rito, nag-alay ng panalangin ang Malacañang sa mga naging biktima ng trahedya.
Batay sa ulat ng Japanese authorities, tatlo ang kumpirmadong nasawi sa nasabing lindol kabilang ang isang 9-taong gulang na bata habang mahigit 200 naman ang napaulat na nasugatan.
—-