Pinal nang dinesisyunan ng Korte Suprema ang tuluyang pagpapatalsik sa puwesto kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa botong 8-6 ay ibinasura ng mga mahistrado ang inihaing apela ni Sereno na kumukuwestyon sa prosesong quo warranto petition laban sa kanya.
Ayon kay Theodore Te, tagapagsalita ng Korte Suprema, nagsimula na rin ngayong araw ang 90-day period para sa pagpili ng susunod na Chief Justice.
Una nang iginiit ng kampo ni Sereno na walang awtoridad ang SC sa pagpapatalsik sa kanya sa puwesto dahil itinatalaga sa konstitusyon na maaari lamang paalisin sa puwesto ang Chief Justice sa pamamagitan ng impeachment process.
Matatandaang napatalsik si Sereno sa puwesto matapos na paburan ng mayorya ng mahistrado ang quo warranto case dahil sa isyu ng hindi nito paghahain ng Statement of Assets Liabilities and Net Worth o SALN.—AR
(Ulat ni Bert Mozo)