Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko ng kanyang kautusan sa pulisya na paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga ordinansa kontra sa mga tambay.
Sa kanyang talumpati sa ika 81 anibersaryo ng GSIS, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga human rights advocate na huwag maki-alam sa kanyang mga ipinatutupad na polisiya.
Iginiit ni Pangulong Duterte, nais lamang niyang mawala ang mga istambay sa kalye para sa ligtas na paglalakad ng publiko sa mga lansangan kahit dis oras ng gabi.
Una nang binatikos ng mga kritiko ng pamahalaan ang nasabing kautusan ng pangulo na tila nahahalintulad sa pagpapairal ng martial law.
Habang ilang mga mambabatas naman ang nagsabing walang batayan ang kautusan ng Pangulo lalu’t matagal nang ipinawalang bisa ang batas laban sa bagansiya.