Nananatiling bukas si Vice President Leni Robredo na makipagtulungan pa rin sa administrasyong Duterte sa kabila ng kaniyang pagiging boses ng oposisyon.
Sa isang panayam kay Robredo sa telebisyon, sinabi nito na bagama’t mayruon pa rin siyang tiwala sa tanggapan ng Pangulo ng bansa, hindi pa rin umano niya matiis na manahimik na lamang sa harap ng mga isyung bumabalot sa lipunan ngayon.
Nababahala rin si Robredo sa tila nakakasanayan na ng mga Pilipino ang mga pumuputok na iskandalo sa ilalim ng administrasyon tulad ng pagpapahina sa hudikatura makaraang mapatalsik sa puwesto si Atty. Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema.
Iginiit din ng Pangalawang Pangulo ang tila pagsuko na ng Pilipinas sa mga inaangking teritoryo nito sa West Philippine Sea gayung marami pa aniyang paraan para mabawi iyon nang hindi pumapasok sa digmaan.
—-