Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso kay dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III sa Sandiganbayan kaugnay ng kontrobersiyal na pagpapatupad nito ng  Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na may nakitang probable cause para kasuhan si Aquino ng usurpation of legislative powers sa ilalim ng Article 239 ng Revised Penal Code.
Kabaliktaran naman ito nang nauna nang desisyon ng Ombudsman noong nakaraang taon kung saan tanging si dating Budget Secretary Butch Abad lamang ang pinakakasuhan habang inabsuwelto naman si Aquino.
Ang panibagong desisyon ng Ombudsman ay tugon sa inihaing mosyon ng ilang mga grupong iginigiit ang pagpapanagot kay Aquino sa kontrobersiyal na DAP.
Sinabi naman ni Atty. Abigail Valte, tagapagsalita ni Aquino, wala pa silang natatanggap na kopya ng bagong desisyun ng Ombudsman pero nais aniya nilang malaman ang naging batayan nito sa pagbaliktad sa kanilang naunang pasya sa usapin.
Samantala, nirerespeto naman ni Abad ang nasabing pasya ng Ombudsman at tiniyak ang kanilang kahandaan na harapin ang kaso.
Dating Pangulong Noy ipinagtanggol ng Liberal Party
Ipinagtanggol ng Liberal Party ang naging hakbang ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa implementasyon ng Disbursement Allocation Program.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng panibagong desisyun ng Office of the Ombudsman na nagrerekomendang kasuhan sina Aquino at dating Budget secretary Butch Abad hinggil sa kontrobersiyal na DAP.
Sa ipinalabas na pahayag ng LP, sinabi ng partido na binuo ang DAP para mapadali ang pagbibigay ng serbisyo at programang imprastraktura na kinakailangan ng publiko.
Iginiit din ng LP na naayon sa batas ang pagpapatupad ni Aquino ng DAP.
Dagdag pa ng LP, iginagalang ng dating Pangulo ang naging pasya ng Ombudsman at umaasa itong mabibigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili.
—-