Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng isang lalaking natagpuang patay sa loob ng kulungan ilang araw matapos mahuli sa ikinasang Oplan Galugad ng pulisya sa Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Marilou Argoncillo, kapatid ng biktimang si Genesis Argoncillo alyas Tisoy, gabi ng Biyernes Hunyo 15 nang damputin ito ng pulisya dahil nakatambay nang walang suot pang-itaas sa tapat ng isang tindahan malapit sa kanilang bahay.
Gayunman, sinabi ng Quezon City Police District, inaresto at kinasuhan ng alarm and scandal si Tisoy dahil sa panggugulo at paghahamon ng away.
Dalawang araw naman matapos makulong, natagpuang walang malay si Tisoy at hirap huminga dahilan kaya ito isinugod sa ospital.
Kuwento ng kapatid nito, may mga sugat at pasa sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Tisoy nang kanyang maabutan sa ospital.
Iginiit naman ni QCPD Station 4 Chief Supt. Carlito Grijaldo, self-inflicted o gawa mismo ng biktima sa kanyang sarili ang nakitang sugat at pasa rito na posibleng resulta ng hindi kaaya-ayang sitwasyon sa kulungan.
Duda naman dito ang pamilya Argoncillo lalo’t maayos pa aniya ang biktima ng dalawin sa kulungan noong Linggo.
Samantala, nagkasa na ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights para silipin kung may foul play sa pagkamatay ni Tisoy.
—-