Umalma ang Quezon City Police District o QCPD sa obserbasyon na pabago-bago ang kuwento sa pagkamatay ni Genesis Argoncillo alias Tisoy matapos maaresto sa operation kontra tambay ng QCPD.
Ayon kay Chief Superintendent Joselito Esquivel, District Director ng QCPD, ang mga nauna nilang pahayag hinggil sa kawalan ng external injuries ni Argoncillo ay ibinatay niya sa report ng doktor na unang tumingin kay Tisoy.
Sa autopsy report na lamang aniya naging malinaw na nasawi si Tisoy dahil sa sobrang pambubugbog.
Sa ngayon aniya ay dalawang inmates ang itinuro ng mga testigo na siyang bumugbog kay Tisoy sa loob ng bilangguan.
Sinabi ni Esquivel na batay sa testimonya ng mga testigo, malinaw na hindi pinatay ng mga pulis si Tisoy.
Gayunman, tiniyak ni Esquivel na hindi pa ligtas sa imbestigasyon ang limang pulis na kanyang i-ni relieve sa puwesto matapos mapatay si Tisoy.
Kaugnay nito, pina-iimbestigahan ni Quezon City 6th District Congressman Kit Belmonte ang pagkamatay ni Genesis ‘Tisoy’ Argoncillo matapos na madakip sa oplan kontra tambay ng QCPD.
Sa inihaing petisyon ni Belmonte, hiniling nito na imbestigahan ang lahat ng kahalintulad na kaso ni Argoncillo na nasawi habang nasa kulungan.
Binigyang diin ni Belmonte na dapat alamin ng Kongreso kung bakit dumarami ang kaso ng illegal arrests at kuwestyonableng proseso ng pagkulong sa mga suspects.
Tinukoy ni Belmonte ang kaso ni Argoncillo na dinakip sa oplan kontra tambay ng PNP.
Una nang nilinaw ng Quezon City PNP na dinakip si Argoncillo dahil sa kasong panggugulo at hndi dahil wala itong damit na pang itaas.
—-