Dapat maamyendahan ang batas sakaling pursigido ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na ipatupad ang mandatory drug test sa mga estudyante sa elementarya simula Grade 4.
Sinabi ito sa DWIZ ni Undersecretary Analyn Sevilla, Spokesperson ng Department of Education o DepEd dahil tanging mga estudyante sa mga nasa secondary at college levels lamang ang ipinatutupad nilang random drug testing.
“Meron na pong ginagawang random drug testing ang kagawaran na naaayon sa mandato ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ang ina-authorize na dapat na maging coverage ng batas na ito ay secondary at tertiary level, wala pa po ang elementarya doon, kung sakali man ‘yang panukalang ‘yan ay kailangan ng pag-aamyenda ng isang batas na ginagamit natin ngayon.” Ani Sevilla
Ayon kay Sevilla, sakaling isama pa ang Grade 4 sa mga isasailalim sa drug test ay malaki ang kakailanganing pondo para maipatupad ito.
“Kung sasabihin na i-include pa ang Grade 4, setting aside kung halimbawa ay nasa batas na ito, it will require billions of pesos because of the number of students, we now have 14 million students from Grade 4 to Grade 12 public pa lang po ‘yan. Ang malaking gastos dito ay ang paghahanda at lalo na ang rehabilitation.”
Kaugnay nito, tiniyak ni Sevilla na patuloy na kumikilos ang ahensya upang maiiwas ang mga kabataan sa panganib na dulot ng iligal na droga.
“Ang pagkuha ng sample ay isa lamang sa mas malawak na programa ng batas, umpisa lang po ‘yan, ang ating ginagawa ay ang enhancement ng curriculum at instruction para mas lalo nating maiwasan ang dangers na naidudulot ng paggamit ng iligal na gamot. Kailangang i-enhance natin ang information dissemination na puwedeng gawin sa ibang paraan halimbawa through film showing, games, interactive or community-based na pamamaraan.”
Paglilinaw ni Sevilla, ang ginagawang random drug test sa mga estudyante ay para lamang malaman kung gaano kalala o kung nasaan nang lebel ang pagkalulong ng mga ito sa iligal na droga.
“Titingnan natin kung ano ang mga intervention na dapat gawin para masalba natin ang ating mga kabataan. Drug testing is not for any punitive action. Ang pinaka-importante sa procedure, ang nagko-collect ng test results ay DOH, isusumite sa isang opisina lamang sa kagawaran, ang sekretarya lang ng DepEd ang nakakakita ng resulta. Ayaw talaga natin na parang maging trigger pa ang results na ito, we are doing it in a very careful manner para magawa kung anong hinihingi sa batas. Wala pong punishment na mangyayari sa mga bata, kailangan nating proteksyunan ang pagkakaroon ng stigma.”
Binigyang diin ni Sevilla ang kahalagahan ng konsultasyon sa mga magulang kaugnay sa lagay ng kanilang mga anak.
“Tinitignan natin ito as a health problem at hindi ng kung ano pa man. Kaya ginagawa natin ang programa in close coordination with DOH only.”
AR/ (Ratsada Balita Interview)