Hihintayin na lang ng Malakanyang sa susunod na Ombudsman kung anong maaaring mas mabigat na kaso ang isampa laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa pagkaksangkot umano nito sa Issue ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng kasong Usurpation of Legislative Powers na isinampa ng Ombudsman kay Aquino na may parusa lamang na pagkakakulong ng anim na buwan o maaaring hindi pa ipiit.
Ayon kay Roque, hindi naman papasok dito ang double jeopardy sa sitwasyon ng dating Pangulo gayong hindi naman ito nakahain sa hukuman.
Wala rin anyang problema sakaling sumailalim na sa arraignment si Aquino dahil bukod sa usurpation ay isang kaso pa ang maaaring ihaing reklamo laban sa kanya.
Ito ay ang malversation na mas mabigat sa Usurpation of Legislative Powers at may kaukulang parusa ng pagkakakulong na apat hanggang 10 taon.