Nananatiling bukas ang Department of Justice sa mga impormasyong ibabahagi ng kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim Napoles sa kabila ng pagkakatanggal niya sa provisional coverage ng Witness Protection Program ng DOJ.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kung wala namang magiging kondisyon si Napoles sa paglalahad ng impormasyon kaugnay ng Priority Development Assistance Fund Scam ay handa siyang kausapin ito.
Sa ngayon anya ay ipinauubaya na niya sa National Bureau of Investigation ang pagpapasya kung kailangang makipag-ugnayan kay Napoles o bigyan ito ng pagkakataon para magbunyag ng mga impormasyon.
Naniniwala ang kalihim na kahit inalis na nila si Napoles sa W.P.P. ay wala namang hadlang sa kanya kung talagang nais nitong magsiwalat ng iba pang nalalaman sa PDAF Scam maging sa DAP Scam dahil nagpapatuloy ang NBI sa imbestigasyon laban sa iba pang sangkot.
Idinagdag pa ni Guevarra na sakaling gamitin si Napoles bilang state witness ay wala sa D.O.J. ang pagpapasya kundi nasa Office of the Ombudsman na may hurisdiksyong mag-usig ng mga kaso ng katiwalian.