Nagsumite na ng Joint Reply Affidavit sa D.O.J. Panel of Prosecutors ang mga complainant laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janet garin.
Pinanumpaan ng mga abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption, Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated ang joint reply affidavit kung saan naninidigan silang nagkaroon ng paglabag sa panig nina Aquino, Abad at Garin sa pagbili ng bilyong Pisong Dengvaxia Vaccine.
Kabilang dito ang paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 at R.A. 9184, Malversation of Public Funds at Criminal Negligence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code.
Naghayag din ng manifestasyon si Atty. Manuelito Luna na bumibitiw na siya bilang isang private complainant sa usapin matapos siyang italaga bilang Commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission.
Pinagsusumite rin ng sample vial o kahit gamit ng vial ng Dengvaxia Vaccine habang kinuwestyon naman ni Assistant State Prosecutor Geno Paul Santiago ng D.O.J. panel ang hindi pagsipot ni Dr. Clarito Cairo ng D.O.H. Central Office na testigo ng mga complainant.
Samantala itinakda ang susunod na pagdinig sa Hulyo 20, araw ng Biyernes.
PNoy at iba pa, no show sa hearing ng DOJ Panel of Prosecutors
Hindi sumipot sa pagdinig ng D.O.J. sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad at ang iba pang respondents sa kasong may kaugnayan sa kontrobersya sa Dengvaxia Vaccine.
Kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019, Anti-Graft Practice Act at R.A. 9184 o Government Procurement Reform Act at criminal negligence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code ang tatlong dating opisyal.
Binigyan naman ng Panel of Prosecutors DOJ nang hanggang Hunyo 28 ang apat na Sanofi officials upang magsumite ng kanilang kontra-salaysay.
Sa hearing kahapon ay inatasan ni Panel Chairperson, Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag ang abogado ng mga D.O.H. official na respondents sa kaso na magsumite ng sample vial ng bakuna kahit gamit na dahil mahalaga ito sa kanilang imbestigasyon.
Samanatala, dahil sa kabiguang sumipot sa pagdinig ng testigo ng V.A.C.C. at Vanguard na si Dr. Clarito Cairo ng D.O.H. para panumpaan sa panel ang salaysay nito ay inatasan na lamang ng lupon ang mga complainant na bigyan sila ng certified true copy o ang orihinal na affidavit ni Cairo.