Hindi mga tambay ang target ng operasyon ng mga otoridad kundi ang mga lumalabag sa batas at city ordinances.
Ito ang nilinaw ni National Capital Region Police Office o NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, kasunod ng mga pagbatikos ng ilang kritiko ng gobyerno sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tambay.
Ayon kay Eleazar, walang dapat na ikatakot ang publiko dahil hindi aarestuhin ng mga pulis ang isang taong walang ginagawang kasalanan o paglabag sa ordinansa.
Paliwanag ng NCRPO Chief, maari lamang silang magsagawa ng “warrantless arest” kung mayroong paglabag sa batas at ordinansa tulad ng pag-iinom, pagsusugal, paninigarilyo sa pampublikong lugar, paglalakad ng nakahubad sa kalsada at paglabag sa curfew.
Dagdag ni Eleazar, magkaka-ibang parusa naman ang kakaharapin ng mga naaresto, base sa ipinatutupad na ordinansa ng nakasasakop na lungsod at barangay.