Bumuo na ang Pangulong Rodrigo Duterte ng isang 3-man committee para makipag-dayalogo sa Simbahang Katolika at sa iba pang religious groups.
Ito’y sa gitna na rin ng mga pagpuna at kritisismo sa masasakit na naging pahayag ng Punong Ehekutibo laban sa Diyos at sa mga turo ng Simbahan sa kabuuan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, layunin ng dayalogo na mabawasan ang tensyon sa pagitan ng gobyerno at ng Simbahan.
“Alam ko po may separation ng Church and State. Hindi po kinakailangan makipag-dayalogo pero minabuti na po ng Presidente, na sige buksan natin ang proseso ng dayalogo.”
“Siguro po walang mawawala kung mas mabuti ang samahan sa panig ng Simbahan at ng gobyerno.” Ani Roque
Kasama sa binuong panel si Roque, Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella, at Council for Philippine Affairs Secretary-General Pastor Boy Saycon.
Sinabi ni Roque na sa ngayon ay dapat mapagkasunduan pa kung ano ang magiging agenda sa gagawing dayalogo.
Tiwala naman si Roque na may tiyansa pang magkasundo ang Pangulo at ang Simbahan.
“Tingin ko naman po. Pansinin niyo naman po. ‘Yung talagang birada ni Presidente ngayon lang po ’yan halos dalawang taon matapos siyang manungkulan. Pero sa loob ng dalawang taon, wala rin pong tigil ang pula sa kanya ng Simbahang Katolika. Tao rin naman po ang Presidente.”
“Dahil nasabi na ni Presidente ang gusto niya sabihin, tignan natin kung papaano mapapabuti ang samahan dahil iisang lipunan naman ang pinaglilingkuran ng gobyerno at ng Simbahan.” Pahayag ni Roque
Matatandaang umani ng batikos ang pagtawag ng Pangulo sa Diyos na ‘stupid God’ at ang iba pang pagkuwestyon nito sa mga nakalathala sa Bibliya.
Samantala, hinimok naman ni Lingayen Archbishop Socrates Villegas ang mga mananampalatayang Katoliko na ipagdasal ang Pangulo para sa kagalingan nito at pagpapatawad ng Panginoong Diyos.—AR
—-