Aminado ang militar na unang nagpaputok ang mga miyembro ng Philippine Army sa tropa ng mga pulis na nagsasagawa rin ng combat operations sa Sta. Rita, Samar na nagresulta sa misencounter sa pagitan ng dalawang grupo.
Ayon kay 8th Infantry Division Commander Major General Raul Farnacio, bagama’t nasa mas mataas na posisyon ang tropa ng militar hindi agad nakilala ng mga ito ang mga pulis dahil mapuputik na rin aniya ang suot na uniporme ng mga ito.
Dagdag pa ni Farnacio, nang magpaputok ang militar naging mas malakas ang retaliation o ganti ng grupo ng mga pulis kaya nauwi na ito sa engkwentro.
Bukod pa rito, nasa advantage position din aniya ang militar kaya nagkaroon ng casualty sa grupo ng mga pulis.
Samantala, tiniyak naman ni AFP Chief General Carlito Galvez na walang mangyayaring cover up sa isasagawang imbestigasyon at nakahanda rin aniya silang makipagtulungan sa PNP.
Dagdag ni Galvez, kapawa nais ma-assess ng AFP at PNP ang sistema ng kanilang koordinasyon at mapabuti pa ito para hindi na aniya maulit pa ang kaparehong pangyayari.
Una nang sinabi ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo na nakahandang umaksyon ang AFP at PNP sakaling lumabas sa ikinasang joint investigation na dapat may managot sa insidente.
—-