Tiwala ang pamilya ng isa sa anim na nasawing pulis sa bayan ng Sta. Rita sa Samar na ambush at hindi ‘misencounter’ o friendly fire ang sanhi ng pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Ayon kay Graceli Escalo, maybahay ng nasawing si PO1 Juli Escalo, tinamaan ng bala sa kanang paa ang kaniyang asawa at naubusan ito ng dugo na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Labis-labis ang sama ng loob ni Graceli lalo’t kakampi pa mismo ng kaniyang asawa ang nakapatay sa kanila at hindi rin sila naniniwalang hindi nakilala ng mga sundalo ang tropa ng pulisya na nagpapatrolya rin sa lugar kung saan nangyari ang engkuwentro.
Kahapon, personal na nakiramay sina AFP Chief of Staff General Carlito Galvez at PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa pamilyang naulila ng anim na nasawing pulis.
Binisita rin ng mga ito ang siyam na iba pang sugatan na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital at tiniyak sa mga ito ang tulong sa lahat ng nasawi gayundin sa mga sugatan.
—-