Ipapamahagi na ng pamahalaan simula sa Hulyo ang mga fuel vouchers para sa mga tsuper.
Ito ay para ibsan ang epekto ng ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law at pagtaas ng presyo ng langis sa world market na sanhi ng mga nagdaang taas presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng DWIZ, ipinabatid ni Finance Undersecretary Karl Chua na ang mga ipapamahaging fuel vouchers ay nagkakahalaga ng limanlibong piso (P5,000) para sa buong taon.
“‘Yan ay dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, ang jeep naman hindi pa nagtaas ng fare so walang problema sa passengers pero may problema sa drivers and operators, so ‘yan ang tulong sa kanila na magsisimula sa July.” Ani Chua
Ipinaliwanag naman ni Chua na ngayon lamang maipapamahagi ang naturang ayuda sa mga tsuper upang makatiyak kung sino talaga sa mga ito ang mahirap at may prangkisa.
“Ang reklamo ng marami ay late daw ang pagbigay ng tulong pero kasi kung magbigay ka ng libreng tulong lahat pipila, so dapat alamin natin sa cash transfer, sino talaga ang mahirap, at sa jeepneys, sino talaga ang registered at may franchise kasi ayaw nating bigyan ‘yung colorum, kaya maingat tayo, kasi magbigay tayo, mabilis, sabihin naman ng COA ang laki ng leakage so kahit anong gawin namin may problema, kaya aayusin lang ang implementation.” Dagdag ni Chua
Samantala, ikinatuwa naman ng transport group gaya ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOP ang ibibigay na subsidiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Lando Marquez, malaking tulong ang fuel vouchers na ipagkakaloob ng pamahalaan bagamat hiling nila ay pangmatagalang solusyon para sa problema ng mga nasa sektor ng transportasyon.
“Ang aming isinusulong pa ay magkaroon sana ng permanent solution ang ating transport modernization dahil unang-una bibigyan sana ito ng gobyerno ng budget na ang aming inirerekomenda na ang 10 percent ng ating public transport consumer tax ay dapat maitabi dahil sa ibang bansa ay may batas silang ipinasa na plus doon sa kanilang modernisasyon dahil ang mga bansang gumagamit ng 10% na ‘yan ay kinikilala ng gobyerno ang mga sumasakay sa public transport ay malaking tulong na ito po ‘yung mga trabahador na bumubuhay ng ekonomiya na dapat talaga bigyan ng serbisyong maganda.” Pahayag ni Marquez
(Balitang Todong Lakas Interview)