Hindi na ikinagulat ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pinaka-bagong resulta ng Social Weather Stations survey na nagpapakita ng kawalang interes ng mga Pilipino sa Pederalismo.
Ayon kay Pangilinan, Chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, ang nasabing survey ay indikasyon na malabo pang umusad ang Pederalismo.
Mas nakatuon aniya ang mga mamamayan sa mga issue na may kaugnayan sa ekonomiya partikular sa trabaho, sweldo at presyo ng mga bilihin.
Ang hinihingi ng ating kababayan ay malayo sa bituka…. itong usapin ng Charter Change at ang bukambibig ng ating kababayan ay paano o ano ba magiging resulta ng buhay ng pangkaraniwang mamamayan dito sa Cha-Cha? Pati ang Pederalismo, hindi rin maliwanag para sa ating taumbayan. Kapag hindi malinaw, mahirap makakuha ng suporta sa ating taumbayan. Pahayag ni Pangilinan
Iba-iba rin aniya ang posisyon o mungkahi ng mga mambabatas sa Charter Change kaya’t malaking bilang ng taumbayan ang walang ideya sa Pederalismo.
Hindi maliwanag ‘yung pinaka-konkretong mungkahi sa Pederalismo… paano magkakaroon ng maliwanag na usapin kung ‘yung mismong mungkahi ay hindi natin alam kung ano? Kaya itong Consultative Committee na binuo, meron din silang sariling mungkahi at proposal. Isusumite ata sa Pangulo ‘yan at ibibigay sa Kongreso. Dagdag ni Pangilinan