Patay ang kontrobersyal na mayor ng Tanauan Batangas matapos itong barilin habang nasa flag raising ceremony.
Napag-alamang dead on arrival sa C.P. Reyes Hospital si Mayor Antonio Halili matapos magtamo ng tama sa kanyang dibdib.
Ayon kay Chief Superintendent Edward Caranza, hepe ng Calabarzon PNP, patapos na ang national anthem nang makarinig ang lahat ng putok ng baril at nakita na lamang nila na may tama ang alkalde.
Nakilala si Mayor Halili bilang Duterte ng Batangas dahil sa kanyang kontrobersyal na ‘walk of shame’.
Sa walk of shame ipinaparada ni Mayor ang mga pinaghihinalaang kriminal na may nakasabit na placard kung saan nakasulat ang ginawa nilang krimen.
Pero sa kabila nito, nakasama naman si Mayor Halili sa narco-list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Wala pang natutukoy na suspek sa pagpatay kay Mayor Halili
Wala pa ring “lead” hanggang sa ngayon ang mga pulis hinggil sa pagkakakilalanlan ng suspek sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Ayon kay CALABARZON Regional Director Chief Superintendent Edward Carranza, patuloy pa rin ang pangangalap nila ng ebidensya sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Pinag- aaralan na rin aniya nila lahat ng anggulo sa pagpatay sa alkalde gaya ng pulitika, personal at iba pa.
Samantala, sinabi ni Carranza na maaaring sa isang masukal na bahagi sa kanan ng city hall ng Tanauan nagtago ang suspek na bumaril kay Halili.
(Arianne Palma)