Kinondena ng Malacañang ang nangyaring pagpatay kay Tanauan Batangas Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi matatawaran ang mga nagawa ni Halili sa Tanauan na nag-ambag sa pag-unlad ng nasabing bayan.
Dagdag ni Roque, minsan na ring naging katuwang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Halili sa kampanya nito kontra iligal na droga.
Iginiit naman ni Roque, may takdang panahon para sa imbestigasyon sa umano’y pagkakasama ni Halili sa narco-list at mas makabubuti kung makidalamhati na muna sa naulilang pamilya nito.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Roque na gagawin ng mga awtoridad ang lahat para maresolba at agad na maaresto ang mga salarin sa pagpatay kay Halili.
—-