Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ipinag-utos sa Philippine National Police o PNP na itigil ang operasyon kontra jueteng matapos amining mahirap nang sugpuin ang nabanggit na illegal numbers game.
Sa kanyang talumpati sa founding anniversary ng Southern Leyte sa Maasin, inihayag ni Pangulong Duterte na kanya lamang sinabi ay maghahanap siya ng paraan upang paano masugpo ang jueteng dahil hindi umubra rito ang lotto.
Wala naman anya siyang sinabing tuluyan ng ititigil ang operasyon kontra jueteng sa halip ay nais lamang din niyang mag-isip ng ibang kabuhayan sa ilang lugar na maaaring ipalit sa illegal numbers game.
Magugunitang inihayag ng Pangulo na mas mahirap buwagin ang jueteng kumpara sa illegal drugs lalo’t malaki ang kinikita ng mga illegal gambler sa naturang sugal.
“Hindi ko naman sinabi na i-allow ko ang jueteng. Sinabi ko lang maghahanap pa ako ng paraan kung paano talaga ito, kasi ang lotto hindi gumana. Iyun sana ang panlaban sa jueteng.”
“I never said that I prohibited the police… wala akong ibinigay na ganyan.” Pahayag ni Pangulong Duterte
—-