Nakaaalarma at nakababahala…
Ganito ilarawan ni Volunteers Against Crime and Corruption o VACC Vice President Arsenio ‘Boy’ Evangelista ang mga nangyayaring patayan sa bansa kung saan ang huli ay ang pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili na nasundan pa kahapon ng pagpatay naman sa alkalde ng General Tinio sa Nueva Ecija na si Mayor Ferdinand Bote.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Evangelista na nagdudulot ng takot ang mga sunod-sunod na pagpatay sa mga prosecutor, mga opisyal ng barangay, mga pari at ngayon naman ay mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
“Kapag ganito nagtatanong ka rin kay Presidente Duterte, na ano na ba ang nangyayari sa ating bansa? Nagkakaroon ng climate of fear, tila yata may breakdown of peace and order.” Ani Evangelista
Umaasa si Evagelista na aaksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema ng patayan sa lalong madaling panahon.
Maliban dito, hinimok din ng VACC ang pamahalaan na bumuo na ng task force laban sa mga gun for hire.
“Siguro ‘yun ang dapat matutukan dito kasi parang naging cottage industry na itong gun for hire, bakit ang dali, tapos ngayon nakakapag-level up pa sila, ‘yung sniper ibang klase ‘yung nakita natin, in daytime, in case of Mayor Halili parang public execution ang nangyari kasi napanood natin, matatakot ka eh.”
(Ratsada Balita Interview)