Dinagdagan ng Con-Com o Consultative Commitee ang kuwalipikasyon ng mga magnanais kumandidato sa anumang posisyon sa pamahalaan sa kanilang inaprubahang draft ng panukalang bagong konstitusyon.
Ayon kay dating Senador Aquilino Pimentel, isa sa mga miyembro ng Con-com, kanilang idinagdag ang educational qualification sa lahat ng mga magnanais tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Habang sa isinama na sa mas matataas na posisyon sa pamahalaan tulad ng congressman, senador, bise presidente at pangulo ang pagkakaroon ng college education bilang requirement.
Bukod rito, sinabi ni Pimentel na magmumula na lamang sa iisang partido ang maihahalal na pangulo at pangalawang pangulo.
“Ang pinaka mas importante sa tingin ko ay dinagdagan natin ng educational qualification ang mga congressman, senador, at para sa mga matataas na katungkulan, hindi puwedeng hindi ka nag-aral, presidente ka, mahirap ‘yun.” Ani Pimentel
Paglilinaw naman ni Pimentel, rekomendasyon lamang ang nasabing draft na nakatakda nilang isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 9 at saka ihahain sa Kongreso.
Oras namang makalusot ito sa Kongreso, ilalatag ito sa publiko sa pamamagitan ng isang referendum.
(Ratsada Balita Interview)