Sinuspinde pansamantala ng Government Service Insurance System o GSIS ang pension ng mahigit isandaan at limampung libong (150,000) miyembro nito.
Ito ay matapos silang mabigo na magpakita sa katatapos lamang na annual pensioners information revalidation.
Sa naturang programa, sinabi ni GSIS President and General Manager Jesus Clint Aranas, obligado ang mga matatanda nilang pensioners na personal na magpakita sa alinman nilang tanggapan o gamitin ang GSIS wireless automated processing system para ma-activate ang kanilang status at matiyak ang patuloy na pagtanggap ng kanilang pension.
Tinatayang nasa kalahating porsyento lamang ng mahigit tatlongdaang libong (300,000) pensioners na may edad pitumpu’t siyam at pababa ang dumalo sa nabanggit na tatlong buwang revalidation period.
Kalahating milyong guro baon sa utang sa GSIS
Samantala, aabot sa mahigit 500,000 mga pampublikong guro ang baon sa utang sa GSIS.
Ito ang inihayag ni Aranas sa gitna ng kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa Department of Education o DepEd para sa “easy payment scheme” ng mga may utang na guro.
Tiniyak ni Aranas na kanilang tinututukan ang nabanggit na problema para matulungan ang mga guro at mapanatiling “stable” ang kanilang pondo.
Una namang inamin ng DepEd na maraming guro ang may utang sa mga private lending companies bukod sa GSIS.
—-