Kumpiyansa ang Partido Federal ng Pilipinas na mapag-bibigyan sila ng COMELEC o Commission on Elections para makilahok sa pambansa at lokal na eleksyon sa susunod na taon.
Iyan ang inihayag ng general counsel ng grupo na si Atty. George Briones kasabay ng kanilang nationwide launch ngayong araw na isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Layunin ng bagong buong partido na palawakin pa ang kamalayan ng mga Pilipino sa kung ano ang sistemang pederalismo ng bansa batay sa ipapasang bagong saligang batas na nagtatatag ng bagong sistema ng pamamahala.
Bagama’t Abril 30 pa sila naghain ng kanilang aplikasyon sa COMELEC, sinabi ni Briones na bukas na sila sa mga bagong dugo para sumabak sa paglilingkod bayan mula sa lokal hanggang sa pambansang puwesto.
Pero paglilinaw ni Briones, iba ang kanilang grupo sa iba pang partido politikal sa bansa dahil ang kanilang target ay magbigay ng bagong dugo sa larangan ng pulitika.