Tinawag na “crazy” o siraulo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal ng Integrated Bar of the Philippines o IBP na nagsabing walang sapat na basehan ang kanyang kautusan na arestuhin ang mga tambay.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, bilang isang pangulo ng bansa, hindi niya na kailangan pa ng batas upang ipag-utos ang paglilinis sa kalye at panatilihin itong ligtas laban sa mga posibleng pagsimulan ng iba’t-ibang uri ng krimen.
Pahayag ng pangulo, sa ilalim ng “parens patriae” doctrine, tungkulin ng estado na bantayan kontra kriminalidad ang bawat mamamayan ng bansa.
Giit ng punong ehekutibo, ang kanyang kautusan na pag-aresto at pag-kostudiya sa mga kabataang nakatambay sa kalye ay bahagi ng kanyang mandato upang mapigilan ang krimen na maari nilang gawin.