Mabilis na umuusad ang pag-uusap ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso para pag-isahin ang mga bersyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL kasunod ito ng pagsisimula ng bilateral conference kahapon.
Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, Chairman ng Bilateral Conference Committee, marami nang isyu sa BBL ang napagkasunduan ng komite gaya ng awtomatikong pagbibigay sa Bangsamoro Government ng limang porsyentong kita ng national government mula sa buwis.
Kapag naman kikita sa pagmimina at iba pang proyekto ang Bangsamoro Government ay napagkasunduan na 75 percent ang mari-retain sa kanila habang 25 percent ang mapupunta sa national government taliwas sa bersyon ng Senado na dapat ay 50 – 50 ang hatian.
Samantala, 39 na barangay sa North Cotabato ang isasama sa Bangsamoro Government alinsunod na rin sa hirit ng Moro Islamic Liberation Front o MILF dahil karamihan sa residente doon ay Moro at mayroong kampo ang MILF.
Desidido ang Bilateral Conference Committee na pabilisin ang pag-consolidate ng BBL upang maipasa ito at maihabol sa State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.
—-