Higit pa sa tatlo ang bilang ng salarin sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Ayon kay Nueva Ecija Provincial Police Office Director, Senior Supt. Eliseo Tanding, nasa apat pang lalaking lulan ng kotse ang nakitang kasama ng dalawa o tatlong gunmen na naka-motorsiklo matapos pagbabarilin ang alkalde.
Na-establish na rin ng Special Investigative Task Force ang rutang tinahak ng pitong salarin matapos ang pamamaslang kay Bote na noo’y lulan ng kanyang Toyota Fortuner sa Cabanatuan City, alas-4:30 ng hapon, noong Hulyo 3.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ni Bote bago sampahan ng kaso ang hindi pa pinapangalanang pito subalit hindi na muna nagbigay ng karagdagang detalye upang hindi mabulilyaso ang imbestigasyon.
Trece Martires Vice Mayor Lubigan case
Samantala, posibleng konektado sa korupsyon ang pagpaslang kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Dante Jimenez, iniimbestigahan na nila ang anggulong may mga nalalaman si Lubigan na katiwalian umano bilang presiding officer ng konseho.
Dapat din anyang tingnan ng mga imbestigador ang alegasyon ng pamilya ng bise alkalde gaya ng pananahimik nito tuwing may nakikitang katiwalian sa city hall, paglipat sa kanyang orihinal na opisina sa main building ng city hall patungo sa hiwalay na gusali at pagtanggal sa kanyang pondo at mga tauhan.
Bagaman nasa ibang bansa ngayon si Trece Martires maYor Melandres de Sagun, itinanggi ng chief of staff nitong si Raymund Eguillos ang alegasyon ng pamilya Lubigan.
Nagpapatuloy naman ang parallel investigation ng National Bureau of Investigation-Cavite sa kaso ng pagpatay kay Lubigan.
Ayon kay James Tosoc, Special Investigator-4 ng NBI – Cavite, maliban sa anggulong pulitika na nakikita ng Task Force Lubigan, nakatutok muna sila sa ibang motibo sa krimen.
Sa ngayon anya ay hawak na nila ang mga kopya ng CCTV footage kabilang na ang mismong kuha habang nasa gym pa ang bise alkalde.
Nakikipagtulugan na rin ang NBI-Cavite sa Calabarzon Regional Police upang makakuha ng karagdagang detalye.
—-