Umaasa si Bagong Henerasyon Party-List Representative Bernadette Herrera- Dy na tuluyan nang matutuldukan ang hazing sa mga eskuwelahan.
Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 mula sa inamyendahang Republic Act 8049.
Sa ilalim ng bagong Anti-Hazing Law, sinabi ni Herrera-Dy, pangunahing may-akda ng nasabing batas sa Kamara, kailangan munang humingi ng permiso sa mga kinauukulang awtoridad ng paaralan ang mga fraternities o sororities pitong araw bago ang initiation rites at dapat hindi tumagal ng tatlong araw.
Sinuman aniyang mapatutunayang lalabag dito ay haharap sa mas pinabigat na parusa gaya ng habambuhay na pagkakakulong depende sa kahihinatnan ng biktima.
Mananagot din ang mga school authorities at kabilang ang mga faculty members, gayundin ang mga barangay, municipal o city officials kapag napatunayang pinayagan nila ang hazing ng fraternity, sorority o ibang organisasyon.
“Inincrease natin ang participation ng school to ensure na talagang mino-monitor nila ang mga fraternities at sororities, kasi dapat chine-check nila every year ‘yan kung nagpapa-register ba sa kanila, lagyan ng faculty adviser ang bawat organization, dapat sumulat sa kanila kung magkakaroon ng initiation rites na dapat present ang school authorities, mga dalawang representatives. Tapos inangat natin sila bilang mga principals kapag andun sila at wala silang ginawa, nakita nila ang pangyayari at ina-allow nila ang hazing na mangyari.” Pahayag ni Herrera-Dy
(Balitang Todong Lakas Interview)