Lumalakas na ang mga protesta laban sa posisyon ng gobyernong Duterte sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon ito kay Acting Chief Justice Antonio Carpio sa gitna na rin nang pagkalat ng mga tarpaulin kung saan nakasulat ang mga katagang: “Welcome to the Philippines, Province of China.”
Sinabi pa ni Carpio na batay sa mga karanasan sa mga nakalipas na administrasyon nawawalan na ng suporta at respeto sa gobyerno ang mga taong ginagawa nang katatawanan ang administrasyon.
Kasabay nito muling iginiit ni Carpio ang panawagan sa Pilipinas na makipagtulungan sa iba pang claimants sa South China Sea para markahan ang economic zones at maiwasan ang gulo.
Lahat aniya ng bansa lalo na ang China ay interesado ring mapangalagaan ang Rule of Law sa mga kontrobersyal na teritoryo.
Kasabay nito, hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga Pilipino na iprotesta ang ginagawang militarisasyon ng China sa West phiLippine Sea.
Ayon kay Robredo, panahon na para mapayapang iprotesta ang anumang pagkilos ng China para kontrolin ang isla sa pinag-aagawang teritoryo.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Robredo dahil nawalan na aniya ng bentahe ang pagkapanalo ng Pilipinas sa International Tribunal.
Posible aniyang ang kooperasyon ng mga kapitbahay na bansa sa Asya para tutulan ang militarisasyon ay mag-resulta at magpakita ng isang tunay na kapangyarihan.
—-